Hinihimok ngayon ni Senior Deputy Minority Leader at Iloilo City Rep. Janette Garin ang publiko na huwag mag-panic sa bagong kaso ng Corona Virus na naitala sa Cebu.
Sinabi ni Garin na tinutugunan na ngayon ng Department of Health ang isyu kasabay ng paghimok sa pamahalaan na paigtingin ang monitoring para mapigilan ang pagkalat ng sakit.
Ayon pa sa dating kalihim ng DOH na wala ring dapat ikatakot ang mga dayuhang pumapasok sa bansa dahil may sapat na pasilidad ang pamahalaan para mapigilan at ma-isolate ang isang pasyente.
Aniya, mula pa noong makapasok sa Pilipinas ang SARS at MERS-COV ay pinaigting na ang mga facilities at laboratories ng gobyerno gaya ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM).
Payo ng kongresista, dapat paigtingin ang basic hygiene at palagiang maghugas ng kamay, iwasan ang pagdudura kahit saan at agad magpakonsulta sa doktor kapag nakaka-ramdam na ng sintomas, sipon at ubo.