Thursday, January 16, 2020

Evacuation Centers bill, pinamamadaling ipasa

Pinamamadali na ni Bayan Muna Representative at House Deputy Minority Leader Carlos Isagani Zarate ang pagapruba sa panukalang Evacuation Centers Bill. 
Ayon kay Zarate, upang higit na mapagtibay ang pangako ni Pangulong Rodrigo Duterte na pagtatayo ng mas maraming evacuation centers ay dapat na itong maisabatas sa lalong madaling panahon. 
Giit ng kongresista, panahon pa ng pananalasa ng bagyong Yolanda ay isinusulong na nila ang pagtatayo ng mga evacuation centers na may sapat na mga pasilidad at disaster resilient. 
Patuloy aniya silang nakakatanggap ng report na kulang ang evacuation centers mula ng mag-alburuto ang Bulkang Taal kung saan pati mga simbahan at cockfighting arena ay ginawa ng evacuation center. 
Sa ilalim ng House Bill 5259, itatayo ang mga evacuation centers sa pagitan ng mga barangay upang madaling puntahan ng mga tayo. 
Bukod sa disaster resilient, itatayo rin ito sa ligtas na lugar na may sapat na suplay ng tubig at kuryente, kagamitan, maayos na comfort rooms at may imbak na relief goods.