Naniniwala si Muntinlupa Rep. Ruffy Biazon na dapat ay bigyang prayoridad ng Bureau of Customs na i-hire o kuning empleyado ang mga nagtapos ng customs brokerage course sa bansa.
Ito ay sa gitna na rin ng planong pagtatatag ng isang Customs Academy na bahagi ng ipinapanukalang pag-amiyenda sa Customs Modernization and Tariffication Act.
Sinabi ni Biazon na bagamat suportado naman niya ang pagkakaroon ng isang institusyon na tututok sa customs training, mayroon naman nang mga kasalukuyang paaralan na nag-o-offer o nagbibigay ng ganitong kurso.
Imbes na magtayo aniya ng bagong paaralan o akademiya, maaaring ilagay na lamang bilang probisyon sa batas na ang mga empleyado na kukunin ng BOC ay yung mga graduate ng customs brokerage o kahalintulad na kurso.
Positibo naman si Biazon na bago magtapos ang 18th Congress ay kanilang maipapasa ang panukalang pag-amyenda sa CMTA na tiyak na makatutulong sa pagpapabuti ng trade facilitation at revenue collection ng bansa.
Kasalukuyang tinatalakay pa rin sa Technical Working Group ng House Committee on Ways and Means ang nasa anim na panukala kaugnay nito.