Pinaiimbestigahan ni ACT-CIS Partylist Rep. Eric Yap sa Kamara ang concession agreement ng Light Rail Transit Authority (LRTA) sa Light Rail Management Corporation (LRMC).
Ito ay kasunod na rin ng pagkadismaya ni Pangulong Duterte na may concession agreement ang gobyerno sa LRMC na pinapatakbo ng Ayala-Pangilinan consortium katulad din sa kaso ng Manila Water at Maynilad.
Kaugnay dito ay inihain ni Yap ang House Resolution 647 na inaatasan ang House Committee on Public Accounts at House Committee on Good Government na silipin ang kwestyunableng kasunduan sa LRT.
Giit ni Yap, sa loob ng apat na taon mula 2015 hanggang 2019 ay kumita na ang LRMC ng P13 Billion.
Samantala, P9 Billion lamang ang halaga ng 32 year-contract na ibinayad sa pamahalaan kaya tiyak na talo dito ang gobyerno at ang LRMC ang higit na makikinabang.
Ayon kay Yap, hindi pa dito matatapos ang imbestigasyon dahil posibleng may iba pang maanomalyang concession agreement ang matutuklasan na posibleng pinasok din ang Ayala at Pangilinan group.