Upang mabigyan ng proteksyon ang mga vehicle owners at maging pantay-pantay ang singil sa mga car parking space, isinulong ni Bagong Henerasyon party list Rep. Bernadette Herrera para i-regulate ang pagbabayad ng parking fees.
Sa paghahain ng House Bill 3215, sinabi ni Herrera na mariming reklamo ang mga motorista sa sobra-sobrang singil ng ilang operators ng paid parking spaces at kakulangan ng pananagutan kapag may nangyaring hindi inaasahan.
Gaya na lamang ang nangyari kamakailan kay ACT-CIS party list Rep. Rowena Taduran, na binasag ang salamin ng kanyang kotse at pinagnakawan ng mga mahahalagang kagamitan habang nakaparada sa mall paid parking area sa Quezon City.
Ayon kay Herrera ang mga establisimento at carpark operators ang dapat na may responsibulidad sa mga nakaparadang behikulo at mga kagamitan sa loob nito.
Hindi nila aniya dapat balewalain ang responsobilidad kapag nasingil na nila ang bayad sa carpark. Pananagutan ng establisimento ang anumang pagkasira at nawalang kagamitan sa sasakyan at dapat may security guard sa lugar.
Pagmumultahin ng P250,000 hanggang P500,000 at suspension o cancellation ng kanilang business permits at licenses ang establisimento na lalabag sa probisyon ng nasabing panukalang batas.