Tuesday, December 03, 2019

Pondo para sa pagsasaayos ng mga linya sa poste ng elektrisidad na sinira ni Tisoy, ipinanawagang i-release na

Nananawagan ngayon ang power bloc sa kamara na i-release na ang pondo para sa pagsasaayos ng mga linya at poste ng kuryente sa mga lalawigan na sinira ng Bagyong Tisoy. 
Ayon kay PHILRECA Rep. Presley de Jesus, sana ay ilabas na ng pamahalaan ang Electric Cooperatives Emergency Resiliency Fund (ECERF) na may P750 Million na pondo.
Aniya, gagamitin ang pondo para sa agarang restoration o pagsasaayos ng napinsalang mga imprastraktura pagkatapos tumama ng kalamidad.
Samantala, umapela naman si Ako Padayon Pilipino Rep. Adriano Ebcas, na agad pagalawin ng mga electric cooperatives ang kanilang response and rescue teams para matiyak na walang mapapahamak sa mga bumagsak na poste o naputol na linya ng kuryente. 
Sa kaniyang parte ay pinasisiguro naman ni RECOBODA Rep. Godofredo Guya sa mga electric cooperatives na agarang maibalik ang suplay ng kuryente sa mga lugar na binabagyo.