Pinamamadali na nina Bayan Muna Partylist Reps.Carlos Isagani Zarate, Ferdinand Gaite at Eufemia Cullamat sa kamara ang imbestigasyon kaugnay sa kasunduan na pinasok ng MWSS sa pagitan ng dalawang water concessionaires na Maynilad at Manila Water.
Batay sa House Resolution # 571 na inihain ng tatllong mambabatas, inaatasan nito ang House Committee on Government Enterprises and Privatization na magsagawa ng imbestigasyon in aid of legislation patungkol sa naturang kasunduan.
Kaugnay nito ay ipinasisilip din ng mga kongresista ang naging desisyon ng na inalabas ng Singapore arbitration tribunal noong Nobyembre 29 kung saan inuutusan nito ang gobyerno ng Pilipinas na magbayad ng P7.39 Billion sa Manila Water dahil hindi umano pinayagan ng MWSS na magtaas ng singil sa tubig mula noong 2015.
Matatandaan na noong April 2017 ay pinayagan ang dalawang water concessionaires na magtaas ng singil sa pamamagitan ng Foreign Currency Differential Adjustment (FCDA) na ginagawa kada quarter para mabawi ang ilan umanong pagkalugi.
Pero anila sa kabila nito ay ipinasan parin ng Maynilad at Manila Water sa mga consumers ang bayarin sa income tax payments at operating expenses sa halip na sila dapat ang nagbabayad.