Pumasa na sa Committee on Constitutional Amendments ng Kamara de Representantes ang itinutulak na Charter Change o pag-amiyenda sa 1987 Constitution.
Sinabi ni House Committee on Constitutional Amendments Chairman at Cagayan de Oro City Rep. Rufus Rodriguez, posibleng sa susunod na linggo ay maisalang na ang cha-cha sa plenaryo ng Kamara para sa deliberasyon nito.
Batay sa inaprubahang unnumbered resolution, ihahalal na bilang tandem o nasa iisang ticket ang Presidente at Bise-Presidente sa national elections.
Maliban pa rito, isinusulong din sa resolusyon ang paghalal ng 27 senador o tigta-tatlong magmumula sa bawat siyam na rehiyon sa bansa.
Pero sa ilalim nito ay inamiyendahan naman na gawing tatlong termino na may tigli-limang taon na lamang ang termino ng mga senador mula sa kasalukuyang anim na taon na may tigta-tatlong termino.
Samantala, nakapaloob din sa Cha-cha ang pag-amiyenda ng economic provisions sa saligang batas na naghihigpit sa foreign ownership sa pagsingit sa katagang “unless otherwise provided by law” na layong luwagan ang dayuhang pamumuhunan sa bansa.