Monday, December 02, 2019

Cellphone, ipagbabawal na sa mga eskuwelahan

Isinisulong ngayon ni Bulacan Rep Florida Robes sa Kamara de Represntantes ang panukala na may layuning ipagbawal na ang paggamit ng cellphone sa lahat ng mga pampubliko at pribadong paaralan sa buong bansa.
Sa ilalim ng House Bill 5542 na inihain ni Robes, ang lahat ng mga estudyante na may edad 15 pababa ay pagbabawalang gumamit ng smart phones at ano mang electronic devices sa oras ng klase.
Sinabi ni Robes na layon lamang ng panukala niya na matugunan ang lumalalang epekto ng paggamit ng mga gadgets sa mga kabataan tulad ng cyberbullying, teenage anxiety at depression.
Batay sa pag-aaral ng London School of Economics and Political Science, ayon pa kanya, gumanda ang education performance ng mga bata sa mga paaralan ng ipinagbawal ang paggamit ng mobile phone.
Ngunit nilinaw ng mambabatas na ang mga magaaral ay papayagan namang gumamit ng cellphone sa oras ng emergency at i-surrender lamang ang kanilang gadgets sa mga school authorities kapag papasok na sa loob ng classroom ang mga ito.