Tuesday, November 19, 2019

Wakasan ang demand sa iligal na droga sa pamamagitan ng compulsory rehabilitation, suhestiyon ni Rep Mike Defensor kay ICAD co-chair VP Robredo

Inirekomenda ni House Committee on Health Vice Chairperson Mike Defensor kay Inter-agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD) Co-Chair at Vice President Leni Robredo na wakasan ang demand sa iligal na droga sa pamamagitan ng compulsory rehabilitation. 
Iminungkahi ni Defensor na gawin ni VP Robredo ang demand reduction strategy tulad ng preventive education drive laban sa iligal na droga at pagkakaroon ng access sa rehabilitation services na subsidized ng gobyerno. 
Ayon sa kongresista, ang paraan na ito ay napatunayang naging epektibo sa ibang mga bansa para bumaba ang demand sa iligal na droga. 
Batay aniya sa tala ng Dangerous Drugs Board (DDB), sa libu-libong drug users sa bansa ay nasa 5,447 drug abusers lamang ang sumailalim sa rehabilitasyon ng 54 na private at public treatment facilities sa bansa. 
Kung madadagdagan ang limitadong bilang ng rehabilitation center sa bansa at mabibigyan ng access sa pagpapagamot ang mga drug users ay makakatulong ito para mapababa ang demand sa droga. 
Dahil dito, hiniling ni Defensor kay Robredo na aksyunan ang paglalagay ng isang rehab center sa bawat probinsya. 
Sa 2020 budget naman, nasa P1.18 billion lamang ang pondo para sa operasyon ng 21 rehabilitation facilities sa buong bansa ng Department of Health.