Pumasa na sa ikalawang pagbasa ang panukala batas na may layuning ilibre sa bayad ang mga ibabiyaheng tulong o relief goods sa mga lugar na nasalanta ng kalamidad.
Ayon sa inaprubahang House Bill 5070 na inihain ni Bulacan Rep Florida Robes, walang dapat singilin sa freight services ng paghahatid ng relief goods para sa mga biktima ng natural o man-made disasters.
Tatawaging Relief Goods Free Transportation Act ang panukala at inaatasan nito ang Office of the Civil Defense (OCD) sa pakikipag-ugnayan ng Philippine Postal Corporation (PPC) at lahat ng freight companies, common carriers, private carriers, freight forwarders, at iba pa na huwag maningil sa mga nakarehistrong relief organization para sa pagbiyahe ng relied goods sa mga lugar na nasa ilalim ng state of calamity.
Layunin din ng panukala ang mabilis ngunit sistematikong relief operations na magliligtas sa buhay ng mga biktima ng sakuna.
Naniniwala ang mga nagtulak ng panukala na kung magiging libre ang paghahatid ng relief goods, magagarantiya nito ang mabilis at sasapat ang ayuda sa mga indibidwal at komunidad na naapektuhan ng trahedya.