Tuesday, November 26, 2019

Project Gintong Alay para sa mga atletang pinoy, nais ibalik ng isang mambabatas

Iminungkahi ngayon ni House Majority Leader at Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez na ibalik ang Project Gintong Alay ng dekada 70 para mapataas ang competitiveness ng mga atletang pinoy na sasabak sa mga international sporting event.
Kaya naman nananawagan ngayon si Romualdez, na siya ring Chairman ng makapangyarihang House Committee on Rules sa pamahalaan, pribadong sektor at mga corporate sports patrons  na magpakita ng malasakit sa mga atletang pinoy at tulungan sila na makamit ang tagumpay para sa bayan.
Sa ilalim ng Project Gintong Alay na unang inilunsad taong 1979, bibigyan ng pagkakataon ang mga private corporations na mag-adopt ng atleta sa ibat-ibang larangan ng palakasan para buhusan ng suporta hanggang sa maging world class competitors ang mga ito.
Kung maibabalik ang programa, ang corporate sponsors na ang sasagot sa allowance, pagkain, nutritional needs, at gagastos sa mga international sporting events na dadaluhan ng bawat atleta na sakop ng programa.
Ilan sa mga tanyag na atleta na produkto ng Project Gintong Alay ay sila track and field superstars na si Lydia de Vega na may bansag na Asia's Sprint Queen, Elma Muros, ang two-time Olympian na si Isidro del Prado at ang champion swimmer na si Eric Buhain.