Wednesday, November 13, 2019

Panukalang parusahan ang mga biktima ng hazing, lalo lang magpapahirap sa pagresolba ng kaso

Marami umanong magiging komplikasyon kung pati ang mga biktima ng hazing ay makakasuhan at maparurusahan.
Ayon kay Ako Bikol partylist Rep. Alfredo Garbin Jr., na isa sa principal authors ng Anti-Hazing Law, mas mahihirapan na maiusad ang kaso dahil hindi madali na tumestigo ang biktima laban sa kanyang sarili.
Malinaw din aniya sa criminal procedure sa bansa na walang sino man ang maoobliga na tumestigo laban sa kanyang sarili.
"I think there will be complications. Mahihirapan sa pagprosecute. Paano kung namatay yong victim?"ayon kay Garbin.
Una nang ipinapanukala ni Rep. Fidel Nograles na parusahan na rin ang mga willing victim ng hazing para mabawasan ang pagsali sa mga fraternity o katulad na organisasyon. 
Pero ayon kay Garbin, bagamat may ilang biktima ng hazing na pumayag sa pagmamaltrato o pag-abuso sa kanya, karaniwan na ito ay dahil napuwersa silang pumayag. 
Binigyang-diin ng kongresista na ang makabubuting gawin ngayon ay pairalin ng maayos at sundin ang itinatakda ng Anti Hazing Act of 2018 lalo na sa mga obligasyon ng bawat eskuwelahan at komunidad para masigurong hindi mangyayari ang ano mang uri ng hazing sa kanilang hurisdiksyon.
Masyado pa aniyang maaga na baguhin na naman ang Anti Hazing Law na kaka-amyenda lang nuong nakaraang taon.