Tuesday, November 19, 2019

Mungkahi ni Minority Leader Abante, isara lahat na mga U-turn slots sa EDSA

Inirekomenda ni House Minority Leader at Manila Rep. Bienvenido Abante na isara ang lahat ng U-turn slots sa kahabaan ng EDSA para lumuwag ang traffic.
Ayon kay Abante, kailangan na ang pagsasara ng mga U-turn slots sa pangunahing kalsada dahil na rin sa pagdami ng bilang ng mga sasakyan sa bansa.
Paliwanag ni Abante, nagkaroon lamang noon ng U-turn slots sa EDSA sa ilalim na rin ng proposal nang dating MMDA Chairman at Marikina Rep. Bayani Fernando dahil kakaunti pa lang naman ang mga sasakyan.
Pero ngayon ay tatlong beses na ang itinaas sa bilang ng mga sasakyan sa EDSA kaya dapat na isara na lamang muli ang mga U-turn slots.
Sa kabilang banda, iminungkahi pa ni Abante na ilaan naman ang fast lane sa carpools sa oras na matanggal na ang U-turn sa EDSA.
Nauna na rin nanawagan ang mambabatas sa Palasyo ng Malacanang na pag-aralang mabuti ang 4-day work week scheme ngayong panahon ng kapaskuhan para mabawasan naman ang lalong pagbagal ng daloy ng trapiko sa Metro Manila at mga karatig na lalawigan.