House Speaker Alan Peter Cayetano humingi ng paumanhin sa mga nararanasang aberya sa SEA GAMES, Cayetano may apela rin sa mga kritiko
Humingi ng paumanhin si Philippine South East Asian Games Organizing Committee (PHISGOC) Chairman at House Speaker Alan Peter Cayetano sa mga delegasyon ng SEA games na nakaranas ng aberya pagdating sa bansa.
Ayon kay Cayetano, hindi na raw mauulit pa ang aberya sa mga ito at makasisiguro ang mga atleta na magiging makabuluhan para sa lahat ang paghohost ng Pilipinas sa SEA Games.
Giit pa nito, hindi talaga maiiwasan ang ilang aberya sa international competitions at alam aniya ito ng mga atletang nakapaglaro na sa SEA Games, Asian Games, at maging sa Olympics.
Kasabay nito umapela din ang lider ng kamara sa mga kritiko na tigilan na ang pambabash sa SEA games at sa halip ay magtulungan na lamang ang lahat dahil pangalan aniya ng bansa ang nakasalalay dito.
Paglilinaw pa ni Cayetano, ok lang naman aniya na batikusin kung may napansing mali sa PHISGOC para maitama ito pero kung ang pakay aniya ng kritisismo ay dahil ayaw lamang kay Pangulong Rodrigo Duterte, ipinunto nito na ang sariling bansa ang binabanatan ng mga ito.