Wednesday, November 20, 2019

Martial Law sa Mindanao, malaking naitulong sa pagresolba sa problema ng iligal na droga sa Misamis Occidental

Malaki ang naitulong ng Martial Law sa pagresolba sa problema ng iligal na droga sa Mindanao lalo na sa Misamis Occidental.
Ayon kay Deputy Speaker Henry Oaminal ng 2nd District, Misamis Occidental, malaki ang ginampanan ng Martial Law sa paglutas sa kanilang problema sa iligal na droga matapos itong mabuwag matapos magkaroon ng raid sa Ozamis City kung saan napatay ang ilang miyembro ng pamliya Parojinog.
 Aniya, kung hindi umiral ang Martial Law ay mahihirapan silang sugpuin ang problema ng iligal na droga sa kanilang lugar lalo pa at sobrang malala na ang kalakalan ng ipinagbabawal na gamot doon.
 Bukod sa problema sa iligal na droga, batid din ni Oaminal na malaki ang naitulong ng Martial Law sa peace and order lalo na sa problema sa mga rebeldeng NPA na ngayon ay humuhupa na sa kanilang lugar.
 Sa huli, bagamat nais nito na huwag nang magkaroon ng Martial Law Extension sa Mindanao, giit ni Oaminal na tatalima ito sa anomang rekomendasyon ng Department of National Defense sa kung dapat na nga bang ihinto ang batas military sa rehiyon.