Thursday, November 28, 2019

Localized holidays sa mga lugar na pagdarausan ng SEA Games, iminungkahi

Iminungkahi ni House Committee on Games & Amusements Member at ACT-CIS Rep Jocelyn Tulfo na magpatupad ng localized holidays sa mga piling probinsya at lungsod na pagdarausan at pagsasagawaan ng mga palaro para sa 30th SEA Games. 
Hinimok ni Tulfo ang Ehekutibo na maglabas ng kautusan para ideklarang non-working holiday ang mga piling lugar na  venue para sa SEA Games tulad sa Binan Laguna, Clark Pampanga, Subic Zambales, San Juan La Union, Calatagan Batangas, Santa Rosa City, Tagaytay, Imus Cavite, at Los BaƱos Laguna at ilang mga lungsod sa Metro Manila mula December 1 hanggang 11. 
Pero kung sa tingin naman ng gobyerno ay napakahabang bakasyon ang December 1 to 11 na walang pasok ay hinikayat na kahit tatlong araw ay magdeklara ng walang pasok. 
Inirekomenda ng mambabatas ang December 2-Lunes at December 6-Biyernes na walang pasok para magkaroon ng dalawang long weekends at December 11 naman sa closing ceremony ng SEA Games. 
Bukod sa layuning makabawas sa traffic at hindi maapektuhan ang publiko ng event ay hinikayat naman ng kongresista na panoorin at i-cheer din ang mga atletang Pilipino. 
Naniniwala ang mambabatas na paraan din ito para makabawi ang pamahalaan sa mga negatibong feedback ng publiko sa SEA Games.