Pinahayag kanina ni Tingog partylist Rep Yedda Marie Romualdez na pasado na sa Committee on Ways and Means ang sunstitute bill na magtatatag ng Department of Disaster Resilience o DDR matapos itong dumaan at inaprunahan din ng Committee on Government Reorganization noong nakaraang linggo.
Sinabi ni Romualdez, chairperson ng House Committee on Welfare of Children at prinsipal na may-akda ng panukala, kasama ang kanyang asawa na si House Majority Leader at Leyte Rep Martin Romualdez, na ang panukala ay sinirtipikahan ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang isang urgent bill matapos ito ay naabutan na lamang ng 2019 elections noong 17 Congress.
Ayon pa sa mambabatas, ang public clamor para magpasa ng ganitong panukala ang nag-udyok matapos mangyari ang serye ng mga sakunang dulot ng lindol.
Ang panukala ay may layuning magtatag ng bagong departamento na siyang tututok sa disaster preparedness ng pamahalaan.
Ito ay maglilipat ng kapangyarihan ng Pagasa, Phivolcs, Mines and Geosciences Bureau at ng Bureau of Fire Protection dito sa naturang panukalang departamento para lalong mapaigting ang paghahanda at pagtugon ng pamahalaan sa panahon ng kalamidad.
Matatandaan na ang DDR bill ay isa sa mga nabanggit ng Pangulo sa kaniyang 2019 SONA na dapat ipasa sa lalong madaling panahon ng Kongreso.