Naniniwala si House Committee on Dangerous Drugs Chairman Robert Ace Barbers na magandang pagkakataon para kay Vice President Leni Robredo na makipagtulungan sa pamahalaan kasunod ng pagkakatalaga dito ni Pangulong Duterte bilang Co-Chairperson ng Inter-Agency Committee on Anti-illegal Drugs (ICAD).
Ayon kay Barbers, sa pagkakatalaga kay Robredo ay umaasa siya na matutuldukan na ang kritisismo ng kampo nito sa kampanya kontra iligal na droga ng administrasyon.
Paliwanag ng kongresista, makikita na mismo ni Robredo ang tunay na sitwasyon ng iligal na droga sa Pilipinas dahil sa first hand information na ang makukuha nito.
Pagkakataon na rin aniya ng Bise Presidente na magpanukala ng mga solusyon para masawata ang iligal na droga na mangangailangan naman ng teamwork ng dalawang mataas na lider ng bansa.
Pinayuhan din nito si Robredo na isantabi na ang pulitika at makipagtulungan na lamang sa pamahalaan.
Tiwala naman si Barbers na sapat na ang anim na buwan para magawa ni Robredo ang kanyang bagong tungkulin at makapagrekomenda ng aksyon upang ma-improve ang gyera kontra droga.