Wednesday, October 02, 2019

Salceda: Bawat makinang pinatatakbo ng POGO, dapat kolektahan na rin ng buwis

Isinusulong ni House Committee on Ways and Means Chairman Joey Salceda na mangolekta na rin ng buwis sa bawat makinang pinapatakbo ng Philippine Offshore Gaming Operators o POGO. 
Ihahain ni Salceda sa susunod na Linggo ang pagpapataw ng $1,000 corporate income tax sa kada seat o computer na ginagamit sa POGO. 
Dahil dito inaasahang makakalikom ang bansa ng dagdag na P25 Billion na kita mula sa corporate income tax sa mga makina ng POGO. 
Naniniwala si Salceda na ito ang magiging circuit breaker at best measures na rin upang makontrol ang mabilis na paggalaw at pagdami ng POGO sa Pilipinas.
Ito rin aniya ang nakikita niyang paraan para mapababa ang systematic risk sa ekonomiya ng POGO sapagkat 1.5% ang contribution nito sa gross domestic product ng bansa.
Makakakolekta rin ang Bureau of Internal Revenue ng P76 Billion mula sa withholding tax ng POGO workers at aangat ang kita ng bansa ng nasa P101 Billion kada taon at bukod pa ito sa P300 Million franchise fee na binabayaran ng POGO sa PAGCOR at P378 Million na withholding tax.