Ipinahayag ni ACT-CIS partylist Rep Eric Go Yap na nakatutok ang sambayanan sa kasalukuyang takbo ng imbestigasyon na ginagawa ng Senado kaugnay ng talamak na isyu ng drug recycling na kinasasangkutan ng Philippine National Police.
Ayon sa kanya, nagsimula lamang ang pagdinig na ito dahil sa isyu ng GCTA ngunit maraming na-diskubreng problema habang umuusad ito kaya’t hayaan na lamang umano na gumulong ang imbestigasyon hanggang maglabas ng report ang Senate Blue Ribbon Committee ukol dito ngunit sa nadidinig natin, mukhang isang malaking cover up ang nangyayari.
Kung totoo man, ito ay nakakahiya, nakakasuka at hindi katanggap-tanggap, dagdag pa niya.
Simula pa lamang umano ang aktuwal na buy bust operation ng mga "ninja cops" kung saan napakaraming lapses na nangyari at inconsistencies hanggang sa mga naging desisyon sa paghawak ng kasong isinampa laban sa kanila.
Nakakabahala ang mga lumalabas na impormasyon sa pagdinig ng Senado, sa kabila ng utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na dapat may internal cleansing sa kapulisan.