Ilang araw bago ang pagunita ng undas ay nananawagan ang mga health at enviromental groups sa mga pinoy na huwag magsunog ng basura sa mga sementeryo lalo na at abala ang iba ngayon sa paglilinis sa puntod ng mga yumaong mahal sa buhay.
Sa isang joint public statement, hinihimok nina Dr. Maricar Limpin ng Philippine College of Physicians at ni Zero Waste Campaigner Jove Mendoza na iwasan ang pagsusunog ng mga basura dahil sa masamang dulot nito sa kalikasan at kalusugan.
Punto ng dalawa, ang pagsusunog ng basura ay nagdudulot ng environmental pollutants gaya ng "smoke" at "soot containing toxic fine particles" at iba pang kemikal na delikado kapag nalanghap ng tao.
Magdudulot aniya ito ng asthma, bronchitis at iba pang mga respiratory illnesses lalo na sa mga bata at matatanda na may mahinang immune system.
Bukod dito, paglabag din sa Republic Act 8749 o ang Clean Air Act at sa Republic Act 9003 o ang Ecological Solid Waste Management Act ang "open burning" ng mga basura na may karamptang kaparusahan base sa itinatakda ng batas.