Hinihikayat ni AAMBIS-OWA Partylist Rep. Sharon Garin ang pagpasok ng mga magsasaka at pribadong sektor sa corporate farming.
Sa ilalim ng House Bill 3369 o Corporate Farming Program ni Garin, kapag nagkaroon ng partnership ang private sector sa mga local farmers ay matutulungan nito ang mga magsasaka sa kanilang pangangailangang pinansiyal at kagamitan.
Ayon kay Garin, makakatulong ang pribadong sektor para maitaas ang antas ng pamumuhay ng mga maliliit at marginalized na magsasaka at maiangat ang estado ng agrikultura sa bansa.
Sa ilalim ng panukala, ang mga korporasyon at partnership na papasok sa kasunduan sa mga magsasaka ay magbibigay ng lahat ng production inputs na kinakailangan tulad ng kagamitan para sa masaganang ani at sila rin ang bibili ng mga produkto.
Ang mga pribadong sektor na papasok sa kontrata ng corporate farming sa mga magsasaka ay mabibigyan naman ng tax incentives na may kinalaman sa farming activities tulad ng pag-i-import ng butong pananim, pataba, at makina sa pagsasaka.