Kung sila Anakalusugan Partylist Rep. Mike Defensor at ACT CIS Partylist Rep. Eric Go Yap ang tatanungin, maganda ang nagiging takbo ng Kamara sa ilalim ng pamumuno ni House Speaker Alan Peter Cayetano.
Sa kasaysayan din ng Kamara de Representantes, sa ilalim ng termino ni Cayetano nakakuha ang Kamara ng mataas na rating.
Naging maayos at mabilis din ang proseso sa Kamara sa pagapruba ng mga mahahalagang panukalang batas tulad ng 2020 budget at mga tax reform bills.
Katwiran pa nila Defensor at Yap, may ilang mga komite na ngayon pa lang Nobyembre nabuo at nagsisimulang magtrabaho kaya kung magpapalit ng liderato ay tiyak na magpapalit din lahat ng Committee Chairmanships na makakaapekto naman sa mga nakalinyang trabaho ng Kamara.
Bukod dito ang kasunduan naman ng term sharing ay sa pagitan nila Cayetano at Marinduque Rep. Lord Allan Velasco na pawang verbal agreement lamang at walang napirmahang kasunduan.
Pero sakali mang magkaroon ng pagpapalit ng leadership ay dapat na dumaan ito sa botohan para malaman din kung sino ang gusto ng mga kongresista na Speaker.