Isinusulong na gawing “mandatory” ang pagbabasa ng Bibliya sa lahat ng pampublikong elementarya at sekondarya sa bansa.
Sa House Bill 2069 ni House Minority Leader Bienvenido Abante, na isa ring senior pastor ng Metropolitan Bible Baptist Ekklesia, ang polisiyang ito ay magiging “patnubay” ng tao, lalo na ng mga lider ng bansa para sa landas ng kabanalan.
Aminado si Abante na bagamat isang Kristyanong bansa sa Asya ang Pilipinas, nabibigo naman ang mga Pinoy na tunay na tanggapin ang kahalagahan at kapangyarihan ng Bibliya.
Isasama ang pagbabasa, pagtalakay at pagsusuri sa nilalaman ng Bibliya sa English at Filipino subjects.
Para naman sa mga Muslim students, ang kaparehong subjects ang magko-cover pero sang-ayon sa Quran ang batayan.
Inaasahan din ang kalihim ng Department of Education para gumawa ng IRR o implementing rules and regulations para sa tamang pagsunod sa probisyon ng panukalang batas sa loob ng 30 araw mula sa implementasyon nito.