Hinamon ni ACT- CIS Rep. Eric Go Yap ang mga kandidato bilang susunod na PNP Chief na sumalang sa lifestyle check upang masuri kung nasangkot ba ito sa anomang isyu at kontrobersya sa serbisyo.
Ang panawagan ay ginawa matapos huli na ng madiskubre ang pagkakadawit ni resigned PNP Chief Oscar Albayalde sa isyu ng ‘Ninja Cops’ matapos ang maanomalyang police operation sa Mexico Pampanga noong 2013.
Ayon kay Yap, dapat masuri na ngayon palang ang ‘track record’ ng mga aspiring PNP Chief upang maiwasan na maapektuhan ang buong institusyon gaya ng nangyari kamakailan sa kaso ni General Albayalde.
Punto pa ng mambabatas, kung walang tinatago ang isang aspirant ay wala itong dapat ipangamba sa mungkahing lifestyle check para maprotektahan ang kapakanan ng libo-libong police force sa bansa.
Ilan naman sa mga matutunog na aspirants ngayon bilang susunod na PNP Chief ay sina PNP OIC Lt. Gen. Archie Gamboa, PNP Deputy Chief for Operations, Lt. Gen. Camilo Cascolan, Chief Directorial Staff, Maj. Gen. Guillermo Eleazar at si Calabarzon Police Chief Brig. Gen. Vicente Danao Jr.