Hinamon ni House Speaker Alan Peter Cayetano si Vice President Leni Robredo na maglabas ng detalye sa mungkahi nito na idaan na lamang sa health-based approach ang kampanya kontra iligal na droga ng pamahalaan.
Ayon kay Cayetano, dapat ilabas ni VP Robredo ang mga programa niya gamit ang health-based approach bago nito punahin ang pamamaraan ng administrasyon sa war on drugs.
Punto pa ng House Speaker, madaling magsabi at madaling mamuna ng programa gamit ang mga "flowery statements" gaya ng binanggit na health-based approach ng pangalawang Pangulo.
Aniya, karaniwang ginagamit sa ibang bansa ang health based-approach sa pagtugon sa mga organic type ng droga gaya ng Marijuana, Morphine at Coccaine na hindi nagdudulot ng "violence" sa mga drug users na iba naman sa kaso ng mga gumagamit ng shabu.
Sa huli, sinabi ni Cayetano na enforcement ang kailangan sa war on drugs lalo pa at karamihan sa mga drug users sa Pilipinas ay gumagamit ng shabu na nakaka-apekto sa utak ng tao.