Tuesday, October 01, 2019

Defensor: Dapat siyasatin kung saan napunta ang P35M na nahalaga ng bounty money para sa pumatay kay Ako-Bicol partylist Rep Rodel Batocabe

Iminungkahi ni Anakalusugan Partylist Rep Mike Defensor sa House Committe on Public Accounts kung saan napunta ang P35M na halaga ng bounty money na ipinatong sa ulo ng mga pumatay kay Ako-Bicol partylist Rep Rodel Batocabe.
Ang mungkahi ay kanyang ipinahayag matapos ihain ni House Minority Leader Benny Abante ang House Resolution No. 384 na layong paimbestigahan ang disbursement ng reward money na pinagtulungang buuin ng House of Representatives, Office of the President at ng Albay Provincial Government.
Batay sa impormasyon na nakarating sa tanggapan ng Minority Leader, may mga testigo umano sa kaso na hindi pa nakakakuha ng kanilang parte sa reward money na maaaring dahilan para umatras ang mga ito sa pagtestigo laban kay Daraga Mayor Carlwyn Baldo na siyang primary suspect sa pagpatay.
Dahil dito, umaasa si Defensor na sana ay hindi ma-"ninja" o mawala ang nabanggit na pondo para sa kaso ng yumaong kongresista para makamit ang hustisya ng pamilya Batocabe.
Matatandaang nasa P20M ang pondong galing sa Office of the President, P13M ang ambag ng mga kongresista sa nagdaang 17th Congress habang P2M naman ang galing sa provincial government ng Albay.