Tuesday, October 08, 2019

Dapat isyuhan ng ID cards ang lahat na POGO workers sa bansa ayon sa isang solon

Dapat isyuhan ng Philippine Amusement Gaming Corporation (PAGCOR) ng identification cards ang lahat na mga Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) workers sa bansa.
Ito ang iminungkahi ni House Committee on Games and Amusements Vice-Chairman at Ang Probinsyano Partylist Rep. Ronnie Ong sa nabanggit na ahensiya.
Sinabi ni Ong na nagiisyu lamang ang PAGCOR ng Gaming Employment License (GEL) sa mga gaming industry employees maliban sa mga POGO workers na karamihan ay mga Chinese Nationals. 
Maliban dito, ang lisensya na iniisyu ng PAGCOR na nagkakahalaga ng P4,000 sa kada indibidwal ay pawang sertipikasyon lamang at wala itong kasamang ID card.
Dahil dito, nanawagan si Ong sa PAGCOR na palawigin nito ang pagiisyu ng lisensya sa mga POGO Chinese workers gayundin ang pagiisyu ng ID cards sa mga ito. 
Sa proposed ID para sa mga foreign POGO workers ay nakalagay ang kanilang BID number, Tax Identification Number, larawan, kaarawan, employment name at address ng kanilang opisina at address ng temporary residence.
Makakatulong ang ID para sa mga immigration at law enforcers na matukoy kung sino ang ligal at hindi ligal na POGO worker. 
Matutulungan din ng ID ang mga dayuhang POGO workers na maproteksyunan sila laban sa mga otoridad na magtatangkang mangikil sa kanila.