Tutol ang ilang kongresista na mapunta sa Universal Healthcare Law ang ilang kikitain mula sa panukalang naglalayong taasan ang sinisingil na Motor Vehicles Users Charge (MVUC) o road user’s tax.
Sa inihain na House Bill 4695 ni House Ways and Means Committee chairman Joey Sarte Salceda, 50 porsiyento ng revenue ng MVUC ay ilalaan sa Universal Healthcare Law at 50 percent din para sa jeepney modernization.
Sa pagdinig ng komite nitong araw, binigyan diin ni House Deputy Speaker for Finance Lray Villafuerte na may ibang maaring pagkuhanan ng pondo ang pamahalaan para sa Universal Healthcare Law katulad ng “off budget” mula sa Pagcor at savings mula sa ibang ahensya ng pamahalaan.
Bukod dito, malaki na rin aniya ang kinikita ng Philhealth mula sa mga premium contributions pa lamang.
Lumalabas ayon kay Marikina Rep. Stella Quimbo na P144 billion ang nakolekta na ng PhilHealth sa premium contributions.
Sapat na aniya ang naturang halaga para bayaran ang hospitalization at primary care ng mga pasiyente na layong tulungan ng Universal Healthcare Law.
“Bakit pa hihingi ng dagdag na pondo kung sobra-sobra na ang natatanggap po ninyong pondo sa premium pa lamang,” ani Quimbo.
Mas mainam ayon kay Quimbo na ilagay na lamang ang 50 percent allocation ng MVUC sa road safety.
Suportado ito ni Villafuerte sa pagsasabi na ito naman talaga ang nilalayon ng panukalang taasan ang road user’s tax.