Tutol si House Committee on Justice Chairman Vicente Veloso sa pagsama ng MGA recidivist o mga indibidwal na nakagawa ng krimen nang paulit-ulit sa mga presong hindi na makakapag-avail ng Good Conduct Time Allowance o GCTA.
Matapos ilabas ang revised implementing rules and regulations ng GCTA Law ay kinuwestyon ni Veloso ang pagkakabilang ng recidivists sa mga hindi mabibigyan ng pagkakataong makalaya ng mas maaga sa sentensya.
Sinabi ni Veloso na dapat huwag isama ang recidivists na nakagawa lang ng petty crimes kahit paulit-ulit ang mga ito ng krimen.
Sa binabalangkas na amendments ng kongresista ay nais nitong limitahan sa convicted criminals na reoffenders ng kasong ang sentensya ay reclusion perpetua o habambuhay na pagkakakulong ang hindi maaaring makinabang sa GCTA.
Dedepende sa classification o bigat ng nagawang krimen kung pagbibigyan ang isang reoffender.
Pinababawasan din ni Veloso ang bilang ng araw ng mababawas sa kada good behavior ng isang preso buwan-buwan kung saan sa unang dalawang taon ng pagkakabilanggo ay limang araw ang makakaltas mula sa kasalukuyang dalawampung araw.
Sa ikatlo hanggang ikalimang taong imprisonment ay sampung araw na lang ang ibabawas mula sa dalawampu't tatlo habang sa mga nakakulong ng lima hanggang sampung taon ay labinlimang araw ang ikakaltas mula sa dalawampu't lima.
Hindi naman kasama sa proposed amendments ni Veloso ang mga kriminal na matagal nang nakulong.