Pag-aaralan ni House Committee on Appropriations Chairman Isidro Ungab ang paglalatag ng mga solusyon kaugnay sa mga na-veto na mga regular projects ngayong taon na nais maisingit sa P4.1 Trillion 2020 budget.
Ayon kay Ungab, isa sa mga posibleng gawin ng Kamara ay ang pagpapasa ng supplemental budget at makahanap ng mga mapagkukunang pondo sa mga na-veto na projects ngayong 2019.
Pero, hindi pa ito matitiyak ni Ungab dahil depende pa rin ito sa mga isusumiteng resolusyon ng executive department.
Magpapatawag din ng pulong ang kongresista kasama ang DPWH para makahanap ng mapagkukunang source ng pondo sa mga naisantabing proyekto.
Iginiit naman ni Ungab na hindi maaaring sa 2020 national budget isingit ang mga pondo para sa mga regular projects dahil masyadong malaki ang halaga at hindi rin alam kung anong departamento ang babawasan ng pondo.
Pag nangyari ito ay tiyak na maaapektuhan naman ang operasyon ng isang departamento na tinapyasan ng budget.
Aabot sa P70 Billion hanggang P90 Billion ang halaga ng regular projects na na-veto ngayong taon na nais maisama sa 2020 budget.