Aaprubahan ngayong araw ng House Committee on Appropriations ang committee report ng House Bill 4228 o ang P4.1 Trillion 2020 General Appropriations Act.
Sinabi ni Appropriations Committee Chairman Isidro Ungab na sa Martes din kaagad ay isasalang na ang naturang Report para sa sponsorship sa plenaryo ang pambansang pondo.
Ipinagmalaki naman ni Ungab na dahil na agad nilang natapos sa itinakdang oras ang pagdinig para sa 2020 budget ng lahat ng mga ahensya ng gobyerno, tuloy-tuloy na ang kaniang pagtalakay nito sa bulwagan.
Ayon pa kay Ungab, nagawa ito dahil na rin sa epektibong patnubay ni Speaker Alan Peter Cayetano na nais matiyak ang agad na pag-apruba sa pambansang pondo.
Idinagdag pa niya na si Cayetano rin ang nagrekomenda na i-adjust ang plenary schedule para ma-accommodate ang apat na budget briefings araw-araw.
Nagpasalamat din si Ungab sa suporta at koordinasyon ng mga kongresista sa pagtupad ng iniatang na tungkulin sa kanila ng liderato ng Kamara gayundin sa kooperasyon at attendance ng iba’t ibang pinuno ng ahensya ng pamahalaan.
Sa mga nagdaang schedule ng Kamara sa pagdinig sa budget, karaniwan natatapos ito tuwing huling linggo ng Setyembre.