Ipinahayag ni Transportation Sec. Arthur Tugade sa Kamara ang kahalagahan ng pagkakaloob ng emergency powers kay Pangulong Duterte para maresolba ang traffic sa Metro Manila.
Auon kay Tugade ang pagkakaloob ng Kongreso ng emergency powers ay kasunod na rin ng pagtatanong ni Albay Rep. Edcel Lagman kung ano ang mga non-infrastructure projects at policies na ipinapatupad ng ahensya para masolusyunan ang trapiko.
Sa budget presentation ng Department of Transportation (DOTr), sinabi ni Tugade na kung naibigay na noon pa ang emergency powers sa Pangulo ay mas mapapabilis ang pagpapatupad ng mga hakbang para resolbahin ang problema sa traffic at pagsasaayos ng mga road infrastructures.
Aminado si Tugade na nababagalan din sila sa kanilang mga proyekto dahil may mga right of way issue pa sila na kailangang ikunsidera bago masimulan ang mga proyekto.
Sakali namang maipagkaloob ng Kongreso ang emergency powers kay Pangulong Duterte, tiniyak ni Tugade na hindi aalisin ang oversight powers ng Kamara para silipin kung may katiwalian sa mga proyekto.