Naniniwala ang liderato ng Kamara na ngayong pasado sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang 2020 General Appropriations Bill o GAB ay makakapag focus na ang mga kongresista sa mga priority bills ng Duterte administration.
Sinabi ni House Speaker Alan Peter Cayetano na ang maagang pagkakapasa sa 2020 (GAB) ay magbibigay daan sa Kamara upang i-exercise nito ang kanilang oversight functions sa mga kasalukuyang proyekto at programa ng iba't ibang government agencies sa ilalim ng 2019 budget.
Ayon pa kay Cayetano, may pagkakataon pa rin aniya ang mga kongresista na magpasa ng mga tax at revenue measures na magpopondo sa mga programa para sa susunod na taon.
Kaugnay nito ay inihayag naman ni House Majority Leader Martin Romualdez na nagsagawa na sila ng Legislative-Executive Coordinating Council (LECC) kung saan tinalakay ang legislative agenda ng Malakanyang.Kabilang sa mga napagkasunduan sa isinagawang pulong ang pagpasa sa Salary Standardization Law (SSL) 5, pagtatatag ng Department of Overseas Filipino Workers (OFWs), pagpapaliban ng Barangay and Sangguniang Kabataan (SK) elections at ang pagkakaloob ng free legal assistance sa mga kasapi ng Armed Forces of the Philippines (AFP).