Tuesday, September 03, 2019

Salceda: DOH at Philhealth, mga balakid sa paglago ng pambansang ekonomiya

Pinaiimbestigahan ni Albay Rep. Joey Salceda, Chairman ng House Ways and Means Committee ang “state of health” sa Department of Health (DOH) at Philippine Health Insurance Corp. (PHILHEALTH) dahil mistulang balakid ang dalawang tanggapan sa paglago ng ekonomiya at pamumuhay sa bansa.
Sinabi ni Salceda na dapat masuri ng kamara kung nasa tamang lagay pa ba ang mga programang pangkalusugan sa kamay ng mga opisyal ng DOH at Philhealth dahil nasasakripisyo dito ang kapakanan ng mga Pilipino.
Binira din ng mambabatas ang nakaraang pahayag ng DOH na hindi pa kakayanin sa 2020 ang nationwide implementation ng Universal Healthcare Law dahil nagpapakita lamang ito ng kawalan ng commitment ng pamunuan kung saan mistulang ginagamit na palusot ang kakulangan ng pondo para magmukhang convenient alibi.
Dahil dito, nananawagan si Salceda kay Pangulong Rodrigo Duterte na e-shape up (o ipa-ayos sa pamunuan ang sistema) o di kaya’y e-ship out (sibakin sa pwesto) ang mga opisyal ng DOH at Philhealth dahil sa mga alegasyon ng korapsyon at incompetence.
Sa huli, hinihimok naman ng mambabatas ang mababang kapulungan na e-convene ang oversight panel para mapa-imbestigahan ang usapin sa lalong madaling panahon.