Inaasahang lilikha ng milyung-milyong trabaho ang inaprubahang package 2 ng TRAIN Law o ang Corporate Income Tax and Incentive Reform (CITIRA).
Sa ilalim ng CITIRA, layunin nitong bawasan ang corporate income tax ng mga korporasyon o mga negosyo sa 20% mula sa 30% na magiging daan para makahikayat ng mas maraming investors sa bansa.
Sinabi ni House Ways and Means Chairman Joey Salceda na aabot sa 1.566 Million na trabaho ang malilikha sa ilalim ng CITIRA kung saan lalo itong magpapalakas sa ekonomiya.
Bukod dito, 1 Million small-medium enterprises (SMEs) at 3,100 na mga korporasyon ang makikinabang pagbaba ng corporate income tax at mga tax holidays.
Kapag naging batas, sa unang taong implementasyon ay 1.1% ang maidadagdag sa GDP growth ng bansa at tataas pa ito sa 3.6% sa kada taon hanggang 2030.
Lolobo naman sa 87% ang tax savings o maaaring matipid sa ibabayad na buwis ng mga korporasyon na maaaring mauwi sa mas marami pang business expansion.
Naniniwala naman si House Majority Leader Martin Romualdez na mangyayari na ang nais ni Pangulong Duterte na maraming mahihirap ang aangat ang buhay sa susunod na tatlong taon dahil sa mga top priority tax measures na ipinapasa sa Kamara.