Friday, September 27, 2019

Rufus Rodriguez: Mga restrictions sa foreign investments sa 1987 Constitution, pinag-aaralan na

Pinag-aaralan na ngayon ng House Committee on Constitutional Amendments na tanggalin ang mga restrictions sa foreign investments na nakapaloob sa 1987 Constitution. 
Sinimulan na rin ng komite sa pangunguna ni Constitutional Amendments Chairman at Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez ang pagdinig sa pag-amiyenda sa Saligang Batas. 
Kaugnay dito, suportado ng Joint Foreign Chambers of the Philippines (JFC) ang pag-amiyenda sa restrictive economic provisions na nakapaloob sa Saligang Batas na pumipigil na makapasok ang pamumuhunan sa bansa. 
Ilan sa mga mahahalagang economic provisions sa 30 taon nang charter ang Articles 12, 14 at 16.
Sa ilalim ng kasalukuyang Konstitusyon, ang mahigpit na mga probisyon para makapasok ang pamumuhunan sa bansa ay pumipigil sa paglago ng ekonomiya na nagreresulta sa kawalan ng trabaho, kawalan ng kompetisyon, pagtaas ng mga presyo ng produkto at serbisyo, at mabagal na pag-usad ng bansa. 
Hinikayat ng grupo na alisin na ang mahigpit na probisyon na hindi na inilalagay ang katagang "unless otherwise provided by law."
Iminungkahi pa ng JFC na maaaring maglagay ng restrictions sa foreign investment sa pamamagitan ng pagpapasa ng batas o executive order para madali lamang amyendahan hindi katulad ng Konstitusyon.