Thursday, September 05, 2019

Patuloy na pagbaba ng presyo ng palay, ikinabahala ni Magsasaka Partylist Rep Argel Cabatbat

Sinabi ni Magsasaka Partylist Rep Argel Cabatbat na panahon na naman ng ani sa isang buwan, at kadalasan ay masaya ang mga magsasaka sa mga panahong ito dahil magkakaroon na naman sila ng kita at panggastos.
Ngunit sa mga kuwentong nakalap umano nila mismo sa hanay ng mga magsasaka, sobrang kaawa-awa ang kanilang kalagayan at patuloy silang nalulugi, nagugutom, at hindi makasabay sa pagbaha ng imported na bigas sa bansa.
Sa inilibas na datos ng PSA nitong buwan, pinagmukhang stable ang mga bagay: nilathala na P17 ang kilo ng palay, at halos magkapareho lang ang presyo kumpara noong isang taon.
Ngunit sa katunayan ay P13 lamang ang normal na bentahan ng palay, at bumababa pa nga ito ng hanggang P7 sa Nueva Ecija, Pampanga, Isabela, at Ilocos Norte – mga lugar kung saan may pinakamalaking produksyon ng bigas sa bansa. 
Ang realidad ay hirap na hirap ang mga pamilya ng magsasaka at sila ay nagugutom, itinigil ang pagpapadala sa kanilang mga anak sa eskuwelahan, at hindi kayang bumili maski ng simpleng mga gamot lamang at sila ay umiiyak sa palayan, ibinibenta na ang buong kabuhayan, at ang iba ay piniling magpakamatay na lamang. 
Rice Tariffication Law umano ang dahilan kung bakit nagagalit sila para sa sektor ng agrikultura dahil sa hindi makatotohanang datos na inilalabas ng gobyerno kung kaya’t nananawagan sila na kapakanan naman muna ng mga mahihirap na mga magsasaka ang unahin ng pamahalaan kaysa sa pamumulitika at pagpapasarap sa buhay. 
Ang kanyang hamon sa gobyerno ay agarang mabago ang sitwasyong ito at hindi pamumulitika ang kailangan ng mga magsasaka, kundi solusyon para sa kanilang mga problema.