Nananawagan ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa kongreso na dagdagan ang kanilang pondo para sa fiscal year 2020 para sa hiring ng karagdagang labor inspectors.
Sa budget hearing ngayong araw sa kamara, personal na umapela si Labor Secretary Sylvestre Bello III sa mga mambabatas na dagdagan ang kanilang pondo para magkaroon ng limang libong bagong labor compliance officers sa buong bansa.
Ani Bello, mahigit sa 900,000 bussiness establishments sa buong bansa ang kanilang dapat masuri subalit imposible itong maabot dahil nasa 710 lamang ang kasalukuyang labor inspectors ng kagawaran.
Ani Bello, humiling na sila ng limang libong plantilla positions para magkaroon ng bagong labor compliance officers subalit nasa 100 pwesto lamang ang ibinigay.
Samantala, nasa P14.4 Billion ang proposed budget ng DOLE sa 2020- di hamak na mas mababa ng 12 percent mula sa P16.36 Billion budget ng ahensya ngayong taon.
Kabilang sa mga programang tatapyasan ng pondo sa 2020 ay ang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced, Govt Internship Program, Child Labor Prevention and Elimination Program, at On-site Welfare Services for OFWs.
Sa huli tiniyak ni Bello na patuloy ang pagbaba ng endo rate sa bansa kung saan mula 2016 hanggang 2019 ay lagpas na sa kalahating milyong contractual workers ang naging regular sa trabaho.