Hindi na umano dapat solohin ng sino mang nakaupong pinuno ng Bureau of Corrections (BuCor) ang pagpapasya patungkol sa mga kuwalipikadong pagbigyan sa Good Conduct Time Allowance (GCTA).
Inirekomenda ng ilang kongresista ang pagbuo ng isang panel na sasala sa listahan o mga aplikasyon para maagang makalaya matapos magpakabait sa piitan.
Magmumula sa iba't-ibang sektor ng lipunan ang mga itatalagang miyembro ng panel.
Binigyang-diin nina ACT-CIS partylist Rep. Nina Taduran at CWS partylist Rep. Romeo Momo na sa ganitong sistema ay maiiwasan na magkaroon ng korupsyon dahil mga neutral na indibidwal ang isasabak sa panel para bumusisi ng mga aplikasyon.
Ang ano mang magiging desisyon ng panel ay iaakyat sa kalihim ng Department of Justice o kahit pa hanggang sa Presidente ng bansa.
Inihirit din ng mga mambabatas na mailathala sa mga pahayagan ang pangalan ng mga palalayaing bilanggo dahil sa GCTA.