Tuesday, September 03, 2019

Nograles: Pinagsumite ang BuCor ng listahan ng mga pangalan na may kaugnayan sa pagpapalaya base sa GCTA

Pinagsusumite ng House Committee on Justice ang Bureau of Corrections  ng listahan ng mga pangalan ng mga opisyal na nagrekomenda at nagproseso sa pagpapalaya ng mga convicted sa karumal-dumal na krimen sa ilalim ng Good Conduct Time Allowance (GCTA). 
Sa iprinisintang datos ng BuCor sa organizational meeting ng komite, aabot sa 2,116 na mga convicted of heinous crimes ang napalaya sa ilalim ng GCTA mula January 2014 hanggang August 2019.
Ayon kay PBA Partylist Rep. Jericho Nograles, sakaling mapatunayang lumabag ang mga ito sa nakasaad sa Section 1 ng GCTA ay mahaharap sila sa criminal at administrative case. 
Lumalabas din sa pulong ang maaga at mabilis na pag-release sa mga preso. 
Mistula namang sinisisi ng mga kinatawan ng BuCor at Department of Justice ang batas dahil sa hindi malinaw na interpretasyon dito. 
Naniniwala naman si Nograles na kaya sinisisi ng mga ito ang GCTA ay dahil takot ang mga ito sa Section 6 ng batas kung saan mahaharap sa isang taon na pagkakakulong at 1 libong pisong multa ang mga government official na makalalabag dito.
Iginiit naman dito ni Justice Committee Chairman Vicente Veloso na isumite rin ang pangalan ng mga napalayang bilanggo dahil ito ay matter of public interest. 
Hiniling naman ni House Committee on Justice Vice Chairman at Ako Bicol Rep. Alfredo Garbin na dapat magkaroon na rin ng access ang publiko sa mga pangalan ng mga presong napalaya sa ilalim ng GCTA.
Matatandaang ikinagulat na lamang ng pamilya Chiong ang pagamin ni BuCor Chief Nicanor Faeldon sa Senado sa pagpapalaya sa ilalim ng GCTA ng mga convicted sa 1997 rape-slay case sa magkapatid na Jacqueline at Marijoy Chiong.