Pinaumpisahan nang talakayin ng House Committees on Government Reorganization at Disaster Management ang mahigit dalawampung mga panukala na may kaugnayan sa pagkakaroon ng hiwalay na departamento na tututok sa mga natural at man-made calamities.
Sinabi ni Albay Rep. Joey Salceda, halos pare-pareho lamang ang nilalaman ng mga panukala kaya dapat na madaliin na ang pagapruba sa panukala na ipapalit sa National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRMC.
Ayon pa sa kanya, kailangan na umanong magkaroon na ng national agency na siyang magsi-centralize sa rehabilitation, rescue, response, recovery at reconstruction tuwing may kalamidad.
Idinagdag pa ng solon na hindi na dapat maulit ang nangyari noong Typhoon Yolanda kung saan libu-libo ang namatay at milyun-milyong ari-arian ang nasira.
Paliwanag naman ni Magdalo Partylist Rep. Manuel Cabochan, dapat nang palitan ang NDRRMC dahil wala itong sariling workforce, pondo, at resources na kadalasang kinukuha lamang sa iba't ibang ahensya.