Sunday, September 22, 2019

Herrera-Dy: Kakulangan ng pondo para sa nationwide polio immunization program, hindi mahirap punan

Kumpyansa si Bagong Henerasyon Partylist Rep Bernadette Herrera-Dy na hindi mahirap punan ang kakulangan ng pondo para nationwide polio immunization  program ng pamahalaan.
Sa ginanap na launching ng End Polio Forever in the Philippines na isang partnership program ng Rotary Club International at Department of Health (DOH) sinabi ni Dy na base sa Health Department, kakailanganin ng nasa 800 Million pesos na budget upang mabakunahan ng anti polio vaccine ang aabot sa 5.5 million na mga kabataan sa buong Pilipinas. 
Sinabi ni Dy na bagama’t may nakalaang pondo  para dito sa ilalim ng budget ng DOH ay dapat parin aniyang makamit ang 100% na immunization rate kontra polio sa buong bansa kung kaya maging siya mismo ay tutulong para mapunan ang kakulangan sa pondo. 
Ayon pa sa mambabatas hindi dapat makuntento sa  72% na anti-polio vaccination rate lalo pa at nabuhay na naman ang naturang  usapin  kasunod ng naitalang kaso ng polio sa Lanao Del Sur kung isang 3 taong gulang na batang babae ang kumpirmadong tinamaan ng sakit.
Kaugnay nito ay nanawagan naman ang solon sa mga magulang na  huwag matakot na pabakunahan ang kanilang mga anak dahil safe ang bukana at nakapagpagaling na aniya ng nasa 2 bilyong katao ito.