Mayroong P384 milyon na pondo ang Department of Education (DepEd) na gagamitin nito para sa pagpapaayos o rehabilitasyon ng mga makasaysayang pampublikong paaralan sa iba't-ibang bahagi ng bansa sa susunod na taon.
Bukod dito, sa kasalukuyang ay nasa P2.06 bilyon ang badget ng naturang ahensiya na para sa "heritage schools conservation and restoration works" nito kabilang ang tinaguriang 'Gabaldon school houses'.
Ito ang ipinabatid ni House Committee on Land Use Chairman at 1st Dist. Cebu Rep. Eddie Gullas, miyembro ng House Committee on Appropriations, kung kaya sa kabuuan aniya ay nasa P2.4 bilyon ang gagastusin ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte para mapanatiling nagagamit ng kabataang Filipino ang pamanang mga silid-aralan.
Ayon kay Gullas, sa kabuuan ay umaabot sa 1,800 ang bilang ng tinatawag na 'Gabaldon school blocks', at 140 dito ay matatagpuan sa kanilang lalawigan.
Bilang miyembro ng 1907 Philippine Assembly, isinulong noon ni Isauro Gabaldon, ang paglalaan ng P1 milyon para sa konstruksyon ng' school houses' sa mga baryo gamit ang matitibay na materyales.