Muling ipinanawagan ni Transportation Secretary Arthur Tugade ang pagbibigay ng emergency powers kay Pangulong Rodrigo Duterte upang maresolba sa lalong madaling panahon ang problema ng traffic sa Metro Manila lalo na sa kahabaan ng EDSA.
Sa 2020 budget briefing sa Kamara, sinabi ni Tugade na matatagalan ang pagresolba sa traffic crisis kung hindi maigagawad sa Pangulo ang emergency powers.
Ani Tugade, sa pamamagitan ng emergency powers ay mapapabilis ang proseso ng procurement at right of way claims na siyang kadalasang dahilan kung bakit nadedelay ang government projects.
Punto pa ng Transportation Chief, tatagal lamang ng 2-3 taon ang emergency powers at maaari itong ireview ng Kongreso upang maiwasan ang korapsyon at abuso.
Sakali mang hindi maibigay ang emergency powers sa Pangulo, sinabi ni Tugade na gagamitin nila ang probisyon ng mga umiiral na batas sa bansa upang mabilis na matapos ang mga proyekto at maiwasan ang delay gaya ng issuance ng temporary restraining order o injuction laban sa mga state projects.