Hinamon ni Capiz Rep. Fredenil Castro si Senator Panfilo Lacson na pangalanan at ilantad kung sinuman ang source nito sa impormasyon na mayroong pork barrel insertions sa 2020 budget para sa 22 Deputy Speakers at sa ibang mga mambabatas.
Sinabi ni Castro, tukuyin at iharap sa Kamara kung sinuman ang kongresista na sinasabi ni Lacson na pinagmulan ng nasabing misinformation.
Pinagpiprisinta din ni Castro kung sinuman ang source ni Lacson ng ebidensya na verified at authenticated.
Binigyang diin ni Castro na bukod sa parliamentary courtesy ay constitutional duty ni Lacson ang alamin kung tama ang impormasyon bago ito ilabas sa media.
Ayon pa sa mambabatas na nasisira ang reputasyon ng Kamara dahil lamang sa mga nakakarating sa senador na mga sabi-sabi lamang ng kanyang mga sources.
Aniya, nakahanda sila sa Mababang Kapulungan na i-scrutinize ng Senado ang kanilang budget at hindi sila naaapektuhan sa mga akusasyon dahil bago ipasa ang P4.1 Trillion budget ay tiniyak na wala itong pork, parking at lumpsum funds.