Nagbanta si House Committee on Ways and Means Chairman Joey Salceda sa mga investors na nanakot sa oras na maipasa at tuluyang maging batas ang TRAIN2 o ang Corporate Income Tax and Incentive Reform Act o CITIRA.
Giit ni Salceda, tigilan na ginagawang pananakot ng mga investors na aalis at babawiin ang mga pinuhunan sa bansa sa oras na aprubahan ng Kamara ang CITIRA.
Sinabi pa ng mambabatas na madali namang resolbahin ang problema kung pag-uusapan at hindi dapat idaan sa pananakot dahil batid naman ng Kongreso ang kanilang ginagawa.
Binigyang diin ng kongresista na kung may tungkulin sa mga stakeholders ang mga korporasyon ay higit lalo na may tungkulin ang mga ito sa bayan at sa publiko at iyan ay ang pagpo-produce ng trabaho.
Nitong Miyerkules ay agad na ipinasa ang CITIRA sa komite na layong ibaba sa 20% ang corporate income tax ng mga korporasyon mula sa kasalukuyang 30% at pag-rationalize ng mga ibinibigay na insentibo sa mga karapat-dapat na negosyo.