Friday, August 16, 2019

Posibilidad na bawasan ang pondo ng DOH, premature pang pag-usapan


Premature pa para umanong pag-usapan ang posibilidad na bawasan ang pondo ng Department of Health sa 2020 matapos matuklasan ng Commission on Audit ang milyong halaga ng mga overstocked na gamot sa ahensya.

Ayon kay Kabayan Partylist Ron Salo, kailangan munang malaman ng kongreso ang hakbang na ginagawa ngayong ni Health Secretary Francisco Duque III para maiwasan na ang overstocking ng mga gamot.

Ani Salo, magiging balanse kung titignan muna nila sa Kongreso ang aksyon ng DOH at kung papaano nila tutugunan ang isyu dahil sa malaking halaga ng pera ng gobyerno ang nasasayang dito.

Matatandaang umabot sa P365 milyon na halaga ng mga overstocked na gamot ang nadiskubre sa mga bodega ng DOH kung saan ang ibang stocks ay malapit nang mag-expire at ang iba ay expired na.

Sa huli, giit ng mambabatas na dapat maparusahan ang mga mapapatunayang sangkot sa isyung ito dahil marami sanang maysakit na Filipino ang dapat nakinabang sa mga itinagong gamot.