Pasado na sa ikatlo at pinal na pagbasa sa Kamara ang panukalang magtataas ng excise tax rates sa mga alcoholic beverages, sigarilyo at vape sa ating bansa.
Sa sesyon noong Martes, ang House Bill 1026 o ang An Act Amending the National Revenue Code of 1997 ay nakakuha ng botong 184 na yes, 2 na no at isang abstain.
Sa ilalim ng panukala, magiging P6.60 na ang ipapataw na excise tax sa mga inuming may alkohol habang P6.50 naman ang maging unitary rate para sa mga sparkling wines.
Maliban sa alak, papatawan din ng buwis ang vape at e-cigarette products kung saan, umpisa sa January 1, 2020, ang 10ml na individual cartridge, refill, pod o container ng vapor products ay papatawan ng P10 na buwis at kung lalagpas naman ito sa 50ml ay papatawan naman ng P50 na buwis at karagdagan pang P10 kada additional 10ml.
Kapag maging ganap na batas ang panukala ay tinatayang aabot sa 17 billion pesos ang maaring kikitain ng gobyerno sa unang taong pagpapatupad nito.